-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na bahagi lamang ng kanilang tungkulin ang paghahanap at pag-aresto kay Sen. Ronald Dela Rosa.

Binigyang-diin ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co na bagaman kinikilala nila ang mga nagawa ni Dela Rosa bilang Chief PNP noong kaniyang kapanahunan, propesyonal na ginagampanan ngayon ng kapulisan ang kani-kanilang tungkulin.

Giit ng opisyal, trabaho lang ito at walang personalan – bagay na palaging pinapairal ng pulisya sa mga ginagawa nitong operasyon.

Kasabay nito ay mas mainam aniya para sa senador na lumabas at harapin na lamang ang kaniyang kaso.

Sa kabilang banda, nanindigan din ang PNP spokesperson na iginagalang ng pulisya ang mga sentimyento ng asawa ni Sen. Dela Rosa na si Gng. Nancy hinggil sa gagawing pag-aresto ng mga awtoridad sa kaniyang asawa.

Bago nito ay naglabas ng pahayag si Gng. Dela Rosa sa social media at iginiit na mistulang nawalan ng saysay ang mga ginawa ng kaniyang asawa sa hanay ng pulisya dahil ito pa umano ang kanilang matatanggap na sukli.