-- Advertisements --

Layunin ng Pilipinas at Japan na lalo pang patatagin ang kanilang kooperasyon sa depensa at seguridad sa Timog-Silangang Asya upang matugunan ang mga sakuna, tensyon sa karagatan, at nagbabagong security dynamics sa Indo-Pacific region.

Binigyang-diin ito sa pambungad na pahayag nina Philippine Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. at Japanese Defense Minister Koizumi Shinjiro sa “ASEAN Plus One Defense Ministers’ Informal Meeting with Japan” na pinangunahan ng Pilipinas.

Ayon kay Teodoro, mahalaga ang papel ng Japan bilang matagal nang katuwang ng ASEAN, lalo na sa paghahanap ng sama-samang pagkilos sa harap ng mga hamon sa East China Sea at iba pang bahagi ng karagatan na nakakaapekto sa buong rehiyon.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang kalihim sa patuloy na suporta ng pamahalaan ng Japan sa ASEAN centrality at sa mga inisyatibong nagpapalakas sa kakayahan sa depensa at maritime security ng mga kasaping bansa.

Binanggit din sa pagtitipon ang kasalukuyang kooperasyon ng dalawang bansa bilang mga co-chair ng “ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus Working Group on Maritime Security” para sa taong 2024 hanggang 2027.

Tiniyak ng dalawang panig na ang mga magkasanib na aktibidad at ang “Future Leaders Program” ay patuloy na magpapatatag sa disaster resilience, seguridad sa karagatan, at ugnayan ng mga mamamayan sa rehiyon.