Bukas si Senate Finance Committee Chairman Sen. JV Ejercito sa posibilidad na imbitahan ang mga grupong nagbabantay sa pambansang budget sa mga pagdinig ng bicameral conference committee.
Sa bicam pag-uusapan at pagtutugmain ng mga senador at kongresista ang kani-kanilang bersyon ng panukalang 2027 national budget bago ito tuluyang maipasa.
Kabilang sa mga grupong nagpahayag ng pagnanais na masuri ang paggamit ng pondo ng gobyerno ang People’s Budget Coalition, na naglatag ng mga nakikita nitong problema sa panukalang badyet sa isang pampublikong konsultasyon nitong Lunes.
Ayon sa coalition, mahigit P1 trilyon na halaga ng mga alokasyon ang dapat masusing suriin. Kabilang dito ang mga pondong inilaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura, mga programang ayuda, at unprogrammed appropriations.
Iginiit ng grupo na kailangang maging bukas sa publiko ang mga dokumento at detalye ng mga proyekto upang masuri kung saan mapupunta ang pera ng mga nagbabayad ng buwis.
Samantala, nanawagan din si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mabigyan ng pagkakataon ang civil society organizations na makasubaybay sa mga pagdinig ng bicam.
Para kay Lacson, makatutulong ang mga grupong ito sa pagsusuri ng panukalang badyet, lalo na’t napakaraming probisyon at proyekto ang kailangang himayin bago magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Bukod sa mga proyektong pang-imprastraktura at ayuda, kabilang din sa mga isyung inilapit ng mga advocacy group ang pondo para sa Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth.
Nais ng mga health advocates na madagdagan ang subsidiya sa ahensiya upang masuportahan ang mga benepisyo ng mga miyembro at mabawasan ang kanilang gastusin sa pagpapagamot.
Nasa 7.2 trilyon ang panukalang pambansang budget para sa 2027.















