Inihayag ng Malacañang na masyado pang maaga ang panawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga kapwa senador na tanggihan ang posibleng alok na maging bise presidente sakaling mahatulan sa impeachment trial si Vice President Sara Duterte.
Hindi pa umano tapos ang paglilitis at hindi pa naihaharap ng kampo ni VP Duterte ang kanilang mga ebidensiya. Dapat umanong igalang ang Tanggapan ng Bise Presidente at hayaang matapos ang proseso.
Sinabi rin g Palasyo na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masunod ang due process bago pag-usapan ang posibleng pagpapalit sa bise presidente. Binigyang-diin niyang hindi dapat pangunahan ni Sen Cayetano ang magiging desisyon ng Pangulo o diktahan ang mga kapwa senador.
Naglabas ng pahayag si Cayetano matapos sabihin ni Senate President Francis Escudero na tatanggihan niya ang posibleng pag-upo bilang bise presidente sakaling mahatulan si Duterte, dahil senador-hukom siya sa impeachment trial na kaniyang pinamumunuan.















