-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development na naging maaga ang pagtugon ng PH government sa banta ng El El Niño phenomenon sa buong bansa.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bago pa nakitaan ng epekto ng tagtuyot ang iba’t-ibang sector ay nakapaglatag na ang gobiyerno ng mga hakbang at tugon para malabanan ang epekto ng naturang weather phenomenon.

Kabilang dito ang pagtiyak na sapat ang suplay ng pagkain, tubig at kuryente, gayundin ang paghahanda ng mga serbisyong pangkalusugan.

Dati na ring naghanda ang DSWD ng malaking bulto ng mga family food packs para sa mga maaapektuhang komunidad, kasabay ng pagbibigay ng food packs sa mga pamilyang sabay ding maaapektuhan ng iba pang sakuna tulad ng bagyo, malalakas na lindol, atbpa.

Ayon pa kay Gatchalian, dati na ring pinalawak ng ahensiya ang saklaw ng Local Adaptation to Water Access (LAWA) at project BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) para mas marami ang matutulungan sa dalawang nabanggit na proyekto.

Sa ilalim ng programang LAWA at BINHI, nagtatayo ang DSWD ng mga imbakan ng tubig at nagbibigay ng water filtration systems sa mga komunidad na nangangailangan.

Nakiisa rin ang kalihim sa paghikayat sa publiko na magtipid sa tubig upang makatulong na mabawasan ang epekto ng El Niño at mapanatiling sapat ang supply nito sa buong bansa.