-- Advertisements --

Bumisita sa Pilipinas ang professional pickleball star at world no. 2 ace na si Anna Bright bilang bahagi ng kaniyang two-day visit sa Manila nitong Lunes at Martes, Oktubre 26 at 27.

Bilang pagkakataon upang makahalubilo ang local pickleball enthusiasts, mainit na sinalubong si Bright ng kaniyang fans sa SM Mall of Asia Music Hall nitong Martes kung saan nakalaro niya rin ang ilan sa mga ito.

“The Filipino pickleball community here has been so, so, so incredible,” ani Bright.

Ibinahagi rin ng world no. 2 ang potensyal ng larangan ng pickleball sa bansa dahil sa aniya’y pagdami ng bilang ng mga pickleball courts at kung papaano ito kinagigiliwang panoorin — mga senyales aniya ng mas pagtangkilik sa laro, ‘di lang sa bansa, kundi pati sa buong Asya.

Kaugnay ng pagbisita ni Bright ang paghahanda ng bansa bilang host country sa kauna-unahang PPA Asia Tour events na magaganap sa darating na taon kung saan nakatakda sa Enero 14-18, 2027 ang PPA 125 na susundan ng PPA 500 Manila Open sa Pebrero 25-28, 2027 sa Pasig City.

Saad naman ni sports executive at former chairman ng Philippine Sports Commission Dickie Backmann, magandang pagkakataon ang pagdaos ng international pickleball tournaments sa bansa upang mas lalong mapalapit ang larangan sa mga lokal na manlalaro na noo’y kinakailangan pang lumipad sa ibang bansa para sa competitions.