-- Advertisements --

Tila doble-trahedya ang sinapit ng mga residente ng Hmoud sa probinsya ng Karak sa Jordan nitong Biyernes, Oktubre 23.

Ang inilaan sanang araw ng paglukuksa sa pagkamatay ng kanilang ka-baryo, nauwi sa trahedya ng pamamaril na ikinasawi ng siyam at ikinasugat ng 40 katao.

Pagkekwento ng isang saksi, bitbit ng isa sa mga armadong lalaki ang isang AK-47 assault rifle kung saan nagpaputok ito nang ilang minuto. Ayon pa sa isa, tina-target umano ng mga lalaki ang bakuran ng nasabing simbahan kung saan naroon ang karamihan ng mga tao.

Batay naman sa public security agency ng Jordan, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at patuloy pang pinaghahahanap ng mga awtoridad.

Dagdag pa ng mga ito, ang naturang pag-atake ay terrorist attack umano ng mga suspek laban sa mga Kristyano.

Ani ng hari ng Jordan na si King Abdullah, marahas umanong tutugon ang estado laban sa mga mananagot sa nasabing pag-atake.

“The blood of Jordanians is precious, and we will strike those who transgress against this country with an iron fist,” sulat ng hari sa X.

Samantala, ani naman ni Jordan Prime Minister Jafar Hassan, nagtutulungan na ang mga ahensiya ng pamahalaan ng Jordan upang managot ang mga suspek at makamit ang hustisya.