-- Advertisements --

Pumalag si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa ‘shut up’ remark ni dating National Security Adviser Clarita Carlos.

Si Prof. Carlos ang unang National Security Adviser ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.. Gayonpaman, hindi siya nagtagal sa puwesto at kinalaunan pinalitan din siya ni dating Armed Forces of the Philippines Chief, Sec. Eduardo Año noong 2023.

Maalalang sinabihan ni dating Sec. Carlos si Philippine Coast Guard Spokesperson for the West PH Sea, Admiral Jay Tarriela na tumahimik muna kasunod ng tumitinding ‘word war’ sa pagitan ng China at ng ilang PH officials.

Sinabihan din ni Carlos si Tarriela na takpan ang bibig at gumamit ng duct tape.

Buwelta ni Sec. Teodoro, walang puwang ang ganitong mga pahayag kung nakataya na ang pambansang interes, soberanya, at ang teritoryo ng Pilipinas

Ayon sa kalihim, bagaman ayaw na sana niyang patulan ang propesor, at ang umano’y ‘out of the loop’ na kaniyang pahayag, hindi aniya tamang patahimikin ang mga Pilipinong tumitindig para sa Pilipinas laban sa pang-aapi ng dayuhang bansa.

Sinang-ayunan din ng DND chief ang pagkuwestyon ni Tarriela sa kung bakit hindi pinupuna ni Prof. Carlos ang mga malinaw na paglabag ng China.