Iginiit ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na hindi dapat gawing dahilan ng gobyerno ang katatagan at pagtitiis ng mga Pilipino upang bigyang-katwiran ang mga pagkaantala, Hindi natatapos na proyekto at kakulangan sa pasilidad at serbisyong publiko.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Acidre na hindi dapat maging sukatan ng kakayahan ng gobyerno na maglingkod ang kakayahan ng mamamayan na magtiis.
Aniya, hindi sapat na walang korapsyon dahil dapat ding masukat ang mabuting pamamahala sa kalidad at resulta ng mga serbisyong naibibigay sa publiko.
Binigyang-diin ng mambabatas na kailangang magtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno sa halip na magkanya-kanya sa pagtupad ng kanilang mga mandato.
Halimbawa nito ang pagtatayo, pagkukumpuni at pagpapanatili ng mga silid-aralan na maaaring magkakahiwalay na hawak ng iba’t ibang ahensiya, na nagreresulta sa mga pasilidad na Hindi nagagamit nang maayos ng mga estudyante.
Nanawagan din si Acidre ng mas malinaw na pananagutan sa bawat yugto ng mga proyektong pang-imprastraktura at pagsusuri kung sapat ang pondo at kakayahan ng mga ahensiya upang maipatupad ang mga batas at programa.
Aniya, hindi dapat maging dahilan ang pagtitiis ng mga Pilipino para maging kampante ang gobyerno sa mga pagkukulang nito.















