Muling ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang motion for reconsideration ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr kaugnay ng kahilingan nitong ipa-inhibit si Associate Justice Karl Miranda sa pagdinig ng kasong alversation na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang p92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa resolusyong inilabas noong Oktubre 22, pinanindigan ng anti-graft court ang nauna nitong desisyon noong Setyembre 24.
Ayon sa korte, walang bagong ebidensiya o karagdagang pangyayari na malinaw na magpapatunay na may pagkiling o pagtatangi si Miranda laban kay Revilla.
Si Miranda ang nag-iisang mahistrado sa dibisyon na bumoto laban sa pagpapalaya kay Revilla sa pamamagitan ng piyansa.
Kabilang sa mga iginiit ng kampo ng dating Senador ang pagiging kapatid ni miranda ni Atty. Buenaventura Miranda, abogado ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na sangkot din sa kaso.
Gayunman, sinabi ng korte na walang sapat na batayan upang iugnay ang ugnayang ito sa naging boto ng mahistrado.
Noong Enero 16, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong malversation at graft laban kay Revilla, dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez at lima pang indibidwal kaugnay ng proyekto.
Ayon sa Ombudsman, iginawad sa kontratista ang proyektong nagkakahalaga ng P92.8 milyon noong Marso 28, 2025.













