-- Advertisements --

Tatlo ang confirmed na nasawi habang dalawa naman ang sugatan sa isang insidente ng pamamaril sa isang fishpond sa Timako Hill, Barangay Kalanganan 2, Cotabato City.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Datu Maceda Taup Yusop, 53-anyos na negosyante at umano’y pangunahing target; Mokamad Tabunaway Lanta ng Lebak, Sultan Kudarat; at Reni Hamsa, isang mangingisda at residente sa lugar.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ang dalawang sugatang trabahante na kinilala lamang sa mga alyas na Daryl at Jun.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PCapt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office–BAR, sinabi nitong nagkita ang mga biktima at mga suspek para sa isang transaksyon sa pagbili ng mga produkto nang biglang bumaba mula sa isang puting Toyota Hilux ang tatlong armadong lalaki at pinagbabaril ang mga biktima.

Ayon pa kay PCapt. Salanguit, tinatayang limang suspek ang kasalukuyang tinututukan sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad.