-- Advertisements --

Hinamok ng isang constitutional law expert ang mga mambabatas na gamitin ang kanilang tapang at kakayahan upang maisulong ang sapat na pondo para sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas sa halip na makipagpalitan lamang ng maaanghang na pahayag laban sa China.

Sa isang panayam ng Bombo Radyo Iloilo, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, research fellow sa Institute for Autonomy and Governance ng Ateneo Policy Center, na mas dapat pagtuunan ng pansin ang malaking agwat sa kakayang militar ng bansa kumpara sa China.

Ayon kay Yusingco, dapat tiyakin ng mga opisyal ng bansa na maibibigay ang kinakailangang pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program at Self-Reliant Defense Posture Program.

Binigyang-diin ng eksperto na nabawasan ang pondo para sa AFP Modernization Program noong 2024, habang nagpahayag din ng pangangailangan ang Department of National Defense (DND) kaugnay sa panukalang badyet para sa 2027.

Inihayag ni Yusingco na bagama’t may karapatan ang mga opisyal na punahin ang mga pahayag ng Chinese Embassy at ni Chinese Ambassador Jing Quan, mas makabubuting gamitin ng mga mambabatas ang kanilang impluwensiya upang maisulong ang badyet na magpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy.

Giit pa niya, hindi kailangang higitan agad ng Pilipinas ang lakas-militar ng China, ngunit mahalagang mabawasan ang malaking agwat ng dalawang bansa upang mas maprotektahan ang teritoryo ng Pilipinas.