Nagsimula nang maramdaman sa lalawigan ng Cagayan at sa ilang kalapit na lugar ang paglakas ng hangin at pagtaas ng alon dulot ng Super Typhoon Rosal.
Ayon kay Ensign Dionisio Mahilim Jr., Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, kabilang sa mga coastal area na nakararanas na ng ganitong kondisyon ang Dinapigue sa Isabela, Santa Ana sa Cagayan, at ang lalawigan ng Aurora.
Sa kabila ng pagbabago sa panahon, nanatiling mahigpit ang pagpapatupad ng no-sail policy upang maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan. Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang nasirang bangka, na-stranded na pasahero, o mangingisdang lumabag sa kautusan.
Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, habang nakaantabay sa posibleng paglakas pa ng hangin at alon, lalo na sa oras ng high tide.
Muling nagpaalala ang PCG sa mga mangingisda at biyahero na huwag munang pumalaot hangga’t hindi opisyal na inaaalis ang pagbabawal sa paglalayag.














