Kumpiskado ng mga awtoridad ang tinatayang ₱17.5-M halaga ng pinaghihinalaang ipinuslit na sigarilyo sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Lunes, Oktubre 19.
Ito’y matapos subukan ng isang white wing van truck na tumakas sa isang checkpoint sa nasabing lugar kung saan inalertuhan ng mga awtoridad ang sumunod na pinakamalapit na checkpoint upang harangin ang nasabing sasakyan.
Nang matunton ng mga awtoridad, dito na natuklasan ang mga bitbit nitong kontrabando na naglalaman ng 300 master cases ng brand cigarettes na katumbas ng halos 15,000 reams na may tinatayang halaga na ₱17.5 milyon.
Agad na inaresto ang driver ng nasabing van nang bigo itong magpakita ng mga kaukulang dokumento at permit para ibyahe ang mga kargamento.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng lokal na pulis ang driver gayundin ang bitbit na kargamento nito na nakatakda namang i-turn over sa Bureau of Customs.
Pinag-aaralan na rin ang mga kasong isasampa laban sa driver at iba pang sangkot sa krimen batay sa kalalabasan ng imbestigasyon.














