Naghahanda na ang mga water concessionaire sa Mega Manila sa magiging impact ng El Niño phenomenon.
Pangunahing tinututukan ng mga ito ang water source, kalidad ng tubig na tumutuloy sa mga water consumer, at sapat na supply ng malinis na tubig.
Tiniyak naman ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na nailatag na ng mga water concessionaire ang kani-kanilang tugon para maiwasan ang krisis sa suplay ng tubig.
Ang MWSS ay isang attached agency ng Department of Environment and Natural Resources na nakatutok sa water services sa Mega Manila.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, sinimulan na nila ang paghahanda noon pang 2022, tulad ng pagpapalawak ng mga pasilidad sa water treatment at paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng tubig.
Paliwanag pa ng opisyal, umabot sa 150 meters ang pinakamababang naitalang antas ng Angat Dam noong July 2026 pero naiwasan ang krisis dahil sa mga bagong proyekto at hakbang ng dalawang pangunahing concessionaire sa NCR (Maynilad at Manila Water).
Ibinida rin ng opisyal ang paggamit ng treated wastewater bilang karagdagang pagkukunan ng maiinom na tubig, pagpapababa ng water losses sa mga tubo at paghahanda ng mga mobile water tanker at imbakan ng tubig para sa emergency, na epektibo nang ipinapatupad sa kasalukuyan.













