-- Advertisements --

Umabot na sa mahigit 52,700 Certificates of Registration (COR) na may kasamang Registration Seal Badge ang naipagkaloob ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga online seller, service provider, at content creator hanggang nitong Oktubre 14, 2026.

Inilunsad ang Registration Seal Badge sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 38-2026 upang mapangalagaan ang pribadong impormasyon at privacy ng mga nakarehistrong negosyo at propesyonal sa digital platforms.

Pinalitan nito ang dating patakaran noong 2024 na nag-aatas na i-display sa publiko ang buong kopya ng COR o electronic COR (eCOR) sa mga website at social media page.

Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na layunin ng badge na gawing mas ligtas at maayos ang mga online transaction habang ginagawang mas madali ang pagsunod sa batas ng buwis.

Ang proyektong ito ay bahagi ng BIR DARES reform agenda para sa Digital and Data Transformation, na kinabibilangan din ng electronic registration, digital TIN identification, Taxpayer Portal, at ang phased implementation ng electronic invoicing.

Samantala, sa ilalim ng RMC No. 99-2026, pinalawig ng BIR ang deadline sa paglalagay ng badge sa mga digital page hanggang Oktubre 31, 2026. Hinimok ng kawanihan ang mga covered taxpayer na agad na mag-secure at mag-post ng badge, habang maaari din itong i-scan ng mga mamimili upang maberipika kung lehitimo ang online business bago makipagtransaksyon.