-- Advertisements --

Iginiit ni Senador JV Ejercito na hindi siya kontra sa China, kundi sa umano’y hindi diplomatikong pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan, na aniya’y maituturing na pagbabanta at pananakot sa halip na makatulong sa pagpapanatili ng maayos na ugnayan ng dalawang bansa.

Ayon kay Ejercito, lumaki siya sa pakikisalamuha sa Chinese community at gumagamit din umano siya ng mga produktong gawa sa China. “I am not against China. I am against the acquisition of this Ambassador Jing Quan,” pahayag ni Ejercito,

Dagdag pa ng senador, sa halip na makatulong sa pagpapagaan ng tensiyon, ang mga pahayag na aniya’y may pagbabanta ay maaari lamang magpalala sa sitwasyon at makasira sa ugnayan ng mga bansa.

Binigyang-diin din ni Ejercito na kung tunay na nais ng kapayapaan, mahalagang ipakita ito sa pamamagitan ng sinseridad, paggalang, at mga konkretong hakbang upang maiwasan ang patuloy na tensiyon.

Hinimok niya ang mga Pilipino na magkaisa sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng bansa, lalo na kung may mga sitwasyong itinuturing na panggigipit o pambubully sa Pilipinas.

“Tayo po ay Pilipino. Iisa bandila natin. Iisa lahi natin,” ani Ejercito.

Inamin din ni Ejercito na pinanghihinaan na siya ng loob sa ilang nangyayari sa bansa. Gayunman, iginiit niyang hindi ito dahilan upang tumigil sa pagtatanggol sa kung ano ang tama.

Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, ipinahayag ng senador ang determinasyong ipagpatuloy ang kanyang paninindigan para sa kapakanan ng Pilipinas.

Para kay Ejercito, mahalagang manaig ang pagkakaisa, pagiging makabayan, at paninindigan sa gitna ng mga usaping may kinalaman sa ugnayang panlabas at soberanya ng bansa.