-- Advertisements --

Lusot na sa Senate Committee on Finance ang panukalang P785.204 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027.

Ang panukalang pondo ay mas mababa ng 11.7 porsiyento kumpara sa P889.236 milyong budget ng tanggapan ngayong 2026.

Layunin ng hinihinging pondo na suportahan ang patuloy na paghahatid ng tulong at serbisyo ng OVP sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang sa panukalang budget ang P220.232 milyon para sa Personnel Services, P561.651 milyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses, at P3.321 milyon para sa Capital Outlay. Bukod dito, may nakalaang P15.544 milyon para sa Retirement and Life Insurance Premium ng mga empleyado ng tanggapan.

Samantala, hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdinig para sa panukalang budget ng naturang opisina ngayong araw, Oktubre 20.

Gayunman, kinatawanan siya ni OVP chief of Staff Zuleika Lopez, at ipinaliwanag nitong dumalo umano ang Bise Presidente sa inurnment ng matagal nang city planner ng Davao City bilang kinatawan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pag-apruba ng Senate finance panel ay bahagi ng proseso ng pagsusuri sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon. Dadaan pa ito sa mga susunod na hakbang ng proseso ng pag-apruba sa pambansang pondo.