Makikibahagi sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaanak ng 539 na umano’y biktima ng kanyang war on drugs.
Karamihan sa mga kalahok ay kababaihan at mula sa mga maralitang komunidad sa lungsod.
Sa trial brief noong Oktubre 13, inilahad ang epekto ng pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay, kabilang ang matinding pagdadalamhati, kahirapan, takot at pagkagambala sa pag-aaral ng mga bata.
Ayon sa Brief, nawalan ng pangunahing naghahanapbuhay ang maraming pamilya, kaya nahirapan silang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan, gastusin sa libing at legal na proseso.
May ilang bata rin umanong huminto sa pag-aaral upang magtrabaho at makatulong sa pamilya.
Iniulat din ng mga kalahok ang psychological distress, kabilang ang matinding lungkot, pangamba, galit at pakiramdam ng kawalan ng pag-asa. May mga naglahad din ng pinsala sa ari-arian at hirap sa pagkuha ng mga dokumentong kailangan upang maimbestigahan ang pagkamatay ng kanilang mga kaanak.
Layunin ng mga pamilya na makamit ang katotohanan, pagkilala sa kanilang dinanas at pananagutan sa mga umano’y paglabag.
Gayunman, ang mga salaysay at argumento sa brief ay paglalahad ng panig ng mga biktima at hindi pa katumbas ng pinal na finding ng ICC na napatunayan ang mga alegasyon.















