Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng pagpipigil sa pananalita at diplomasya matapos ituring na tila di-direktang banta ng paggamit ng puwersa ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.
Sinabi ng DFA na Hindi nakatutulong ang ganitong pananalita sa pagpapanatili ng tiwala at maayos na ugnayan ng Pilipinas at China.
Hinimok din nito ang lahat ng dayuhang diplomat na maging mas maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag.
Nauna rito, sinabi ni Jing na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa, ngunit iginiit na hindi ito gagawin ng Beijing dahil nais nitong mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Kinuwestiyon din niya ang mga paratang na China ang “Troublemaker” sa Southeast Asia.
Nagpalitan ng pahayag ang mga opisyal ng Pilipinas at China matapos kontrahin ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro jr. ang paglalarawan ni Vice President Sara Duterte sa Pilipinas bilang “Troublemaker” ng rehiyon.
Iginiit ni Teodoro na ipinagtatanggol lamang ng bansa ang mga karapatan nito sa West Philippine Sea.
Samantala, nagpahayag si Jing ng pag-asang matatapos na ang negosasyon sa code of conduct sa WPS , na layong magtakda ng mga alituntunin para sa mga bansang may magkakapatong na pag-aangkin sa naturang karagatan.













