Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mag-deploy ng mobile water treatment at water tanker units sa mga komunidad na makakaranas ng kakulangan sa malinis na tubig dahil sa Super El Niño at iba pang kalamidad.
Ayon kay DSWD Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabel Lanada, kayang magproseso ng mga mobile water treatment unit ng tubig mula sa mga balon, ilog at iba pang pinagkukunan ng tubig.
Mayroon ding dalawang water tanker ang ahensya, kung saan ang isa ay ginagamit sa water treatment at ang isa naman ay para sa distribusyon ng maiinom na tubig.
Sinabi ni Lanada na kayang magproseso ng mga naturang kagamitan ng hanggang 2,500 liters ng tubig kada oras.
Samantala, may nakahanda ring dalawampu’t isang libong family water filtration kit na maaaring ipamahagi sa mga lokal na pamahalaang nangangailangan ng malinis na inuming tubig.
Ayon sa DSWD, prayoridad nitong matulungan ang mga lokal na pamahalaang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng Super El Niño.
Gayunman, kailangang makipag-ugnayan at humiling muna ang mga lokal na pamahalaan sa ahensya bago maideploy ang mga kagamitan.
Paalala naman ng DSWD, maaaring gamitin ang filtration kit sa tubig mula sa sapa, tubig-ulan, deep well at maging sa tubig na inihahatid ng mga fire truck sa panahon ng emergency.
Kasabay nito, naghahanda rin ang DSWD ng iba pang hakbang upang matiyak ang suplay ng tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang maaapektuhan ng matinding tagtuyot.
Maaari ring makakuha ng tubig ang mga komunidad mula sa mga water reservoir na itinayo sa ilalim ng Project Local Adaptation to Water Access o LAWA, basta’t may sapat na suplay at ligtas itong gamitin.















