-- Advertisements --

Hiniling ni House lead prosecutor Gerville Luistro sa impeachment court na paalalahanan ang depensa ni Vice President Sara Duterte na panatilihin ang wastong asal at paggalang sa paglilitis, matapos gamitin ng mga abogado ang salitang “Persecution” sa kanilang manifestation kaugnay ng pag-withdraw ng prosekusyon sa tatlong articles of impeachment noong martes, Oktubre 13.

Iginiit ni Luistro na bagama’t magkatunggali ang magkabilang panig, kailangan pa rin nilang panatilihin ang nararapat na decorum.

Hiniling din niyang alisin sa opisyal na rekord ang paggamit ng depensa sa salitang “Persecution.”

Nilinaw rin ng prosecutor na pumayag ang prosekusyon sa alternatibong presentasyon ng mga articles of impeachment, ngunit hindi umano ito sinang-ayunan ng depensa.

Dagdag pa niya, bagama’t nakasaad sa mga patakaran na hindi maaaring maghain ng motion for reconsideration ang isang partido, binibigyan pa rin ang depensa ng sapat na pagkakataong ipaliwanag ang panig nito laban sa ruling ni Presiding Officer Francis Escudero.

Gayunman, ibinasura ni Escudero ang mosyon ni Luistro, dahil ang paggamit umano ng salitang “Persecution” ay hindi direktang tumutukoy sa prosekusyon kundi naglalarawan lamang sa pananaw ng respondent.