-- Advertisements --

Sinagot ni DOE Secretary Sharon Garin ang panawagan ng ilang grupo na magbitiw siya sa pwesto dahil sa umano’y kapabayaan o pagkabigo nitong magampanan nang maayos ang kaniyang tungkulin sa gitna ng suliranin sa enerhiya.

Ayon kay Sec. Garin, nauunawaan niya ang panawagan ng mga ito dahil nagpapakita lamang ito na nagmamalasakit ang publiko sa sitwasyon ng enerhiya sa bansa.

Aniya, habang nasa posisyon siya ay patuloy siyang magtatrabaho sa ilalim ng pagtitiwala ni Pangulong Marcos, at tatanggapin at igagalang niya kung ano man ang magiging desisyon ng Pangulo.

Naniniwala rin ang kalihim na naging maayos ang pamamalakad ng ahensya at ang pagtugon nito sa mga kinakaharap na suliranin.

Ipinaliwanag niyang sa sektor ng enerhiya ay kinakailangan talagang magplano nang maagap dahil ang epekto ng mga aksyon ngayon ay mararamdaman pa pagkaraan ng limang taon.

Binigyang-diin din niya na mabilis at maayos na ginagampanan ng DOE ang kanilang tungkulin, partikular sa mga usapin ng exploration, renewable energy, at iba pang kapaki-pakinabang na proyekto sa sektor ng enerhiya.