-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni House impeachment spokesperson Ace Barbers ang pananahimik umano ni Vice President Sara Duterte sa mga agresibong aksiyon ng China, kasunod ng ulat na tumanggap ng mahigit P319 milyong remittance ang kumpanyang iniuugnay sa asawa ng Bise Presidente.

Ayon kay Barbers, may karapatan ang mga mangingisdang Pilipino na humingi ng paliwanag, lalo’t apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa presensiya ng mga barkong Tsino sa West Philippine Sea.

Batay sa testimonya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa impeachment trial, nakatanggap ang Cale88 Foods Corp., na pag-aari ni Atty. Manases Carpio, asawa ni VP Sara, ng naturang remittance. Gayunman, ang mga nasabing transaksiyon ay hindi awtomatikong patunay na nagkaroon ng iligal na gawain.

Giit ni Barbers, dapat ipaliwanag ang pinagmulan ng pondo at panindigan ng mga halal na opisyal ang pangakong protektahan ang interes at soberanya ng bansa.

Samantala, batay sa naging pagtaya ng financial expert na si Atty. Alexander Cabrera, nasa P817.87 milyon ang umano’y hindi naideklarang yaman at kita nina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Bukas, sa pag resume ng impeachment trial, nakatakdang tanungin ng depensa at ng mga senator-judge si Cabrera.