-- Advertisements --

Hinarang ng mga awtoridad ang halos P500,000,000 halaga ng methampethamine hydrochloride o shabu na nakatago sa industrial machinery sa isang warehouse sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.

Batay sa operasyong ikinasa ng Bureau of Customs – NAIA (BOC-NAIA), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), napagalamang dumating ang nasabing kargamento sa bansa noong Setyembre 26 galing sa Guadalajara, Mexico.

Una nang na-flag ang nasabing kargamento ng Customs Intelligence and Investigation Service kung saan agad namang naghain ng Alert Order ang mga awtoridad at ininspeksyunan itong muli sa isang warehouse sa Pasay City.

Nang dumaan ito sa x-ray scanning, natuklasan ng mga tauhan ng Customs ang kahina-hinalang mga imahe mula sa tubo ng isang pelletizing machine.

Dito na natuklasan ng mga awtoridad ang nakatagong 73.002 na kilo ng droga sa machinery na may tinatayang halaga na P496.413 milyon.

Nakadeklara ring for delivery tungong Parañaque City ang nasabing kargamento ngunit batay sa BOC ay pinabrika lamang ang mga shipping document para sa nasabing cargo.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, sinamantala ng mga suspek ang laki ng nasabing makinarya para maitago ang mga ipinagbabawal na droga at para madaling makalusot sa inisyal na inspeksyon.

Binalaan naman ni Nepomuceno ang mga nagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

“Smugglers may change their routes, methods, and concealment techniques, but our resolve remains the same. We will find these illegal shipments, stop them at the border, and work with our partner agencies to hold those responsible accountable. Hindi makakalusot ang ilegal na droga sa ating mga pantalan at paliparan,” saad niya.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kargamento, gayundin ang paghahanap sa mga taong nasa likod ng pagpupuslit nito.