-- Advertisements --

Nanindigan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na mas mainam na ipaubaya na lamang sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa buong Metro Manila.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, hindi na dapat magkaroon ng kanya-kanyang sistema at ordinansa ang mga lokal na pamahalaan pagdating sa pagpapatupad ng NCAP.

Iginiit ni Inton na mayroon nang Metro Manila Traffic Code of 2023 na naglalayong magkaroon ng iisang sistema sa traffic enforcement, kabilang ang harmonisasyon ng mga multa at pagpapatupad ng Single Ticketing System sa Metro Manila.

Aniya, maaari ring maiwasan ang kalituhan sa mga motorista kung pare-pareho ang sistema ng panghuhuli, pagproseso ng violation at pagpapataw ng multa sa buong Metro Manila.

Kasunod ito ng naging desisyon ng Supreme Court noong Hulyo 2026 kung saan ibinasura ang mga consolidated petition laban sa NCAP matapos kilalanin ang pag-adopt ng bagong uniform traffic enforcement framework sa ilalim ng Metro Manila Traffic Code of 2023.

Samantala, nagpahayag din ng pangamba ang mga grupo sa sektor ng transportasyon sa posibleng kalituhan sa mga multa kung magkakaroon ng magkakaibang pagpapatupad ang mga LGU.

Maaari umanong madagdagan ang gastusin ng mga motorista kung iba-iba ang fines at proseso sa bawat lugar, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng krudo at iba pang gastusin sa biyahe.

Dahil dito, iginiit ng grupo ang pangangailangan para sa malinaw, pare-pareho at madaling maintindihang sistema ng NCAP upang hindi malito ang mga motorista at maiwasan ang magkakaibang interpretasyon sa pagpapatupad ng mga traffic violation.