-- Advertisements --

Inihayag ni Securities and Exchange Commission (SEC) Director Gerardo del Rosario na walang nakahain sa kanilang ahensya na opisyal na dokumento ng divestment na nagpapatunay na inilipat ni Vice President Sara Duterte ang kanyang ownership o pagmamay-ari sa ilang kumpanya patungo sa ibang tao.

Lumalabas ang pahayag matapos tanungin ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang testigo ng prosekusyon kung may naisumiteng pormal na dokumento sa SEC ukol sa sinasabing pag-divest ng Bise Presidente sa mga negosyong naunang tinalakay sa impeachment trial.

Paliwanag ni Del Rosario, may ilang kumpanya kung saan hindi na lamang lumitaw ang pangalan ni Duterte bilang stockholder o director sa mga sumunod na General Information Sheet (GIS).

Nilinaw naman ng testigo na ang tanging batayan ng SEC sa pagkawala ng pangalan nito ay ang mga pumasok na GIS lamang at walang hiwalay na legal na papel na nagpapatunay ng pormal na pagpapasalin ng ari-arian.

Dagdag pa ng opisyal ng SEC, sa iba pang kumpanyang tinalakay sa paglilitis ay wala siyang nakitang anumang indikasyon sa mga kasunod na GIS na nag-divest o nagbitiw sa puwesto ang Bise Presidente.