PagharapInihayag ni Atty. Neri Colmenares, abogado ng ilang umano’y drug war victims, na indikasyon ng pagiging fit for trial ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang personal nitong pagdalo sa status conference ng International Criminal Court.
Ayon kay Colmenares, nakita umano sa pagdinig na nauunawaan ni Duterte ang mga nangyayari at nakilala pa nito ang kanyang mga supporter sa gallery.
Bagama’t hindi aniya alam kung bakit piniling personal na dumalo ni Duterte, posibleng nais umano nitong direktang marinig at maunawaan ang mga usapin sa kanyang kaso.
Iginiit ni Colmenares na nais ng mga pamilya ng umano’y drug war victims na mapabilis ang paglilitis, na aniya ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng pag-agree sa mga undisputed facts at pag-iwas sa hindi kinakailangang testimonya at ebidensya.
Sinabi rin niyang maaaring paikliin ang tinatayang 193 oras na kailangan ng prosecution para iharap ang kaso sa pamamagitan ng pagtutok sa pinakamahahalagang ebidensya at testigo.
Ayon kay Colmenares, nais ng mga pamilya na manatiling malusog si duterte upang umabot ang kaso sa isang hatol.















