-- Advertisements --

Isinailalim sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Camarines Norte dahil sa malawakang krisis sa tubig na pinalala ng epekto ng El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Cynthia Gonzales, Provincial Legal Officer ng lalawigan, sinabi nitong matagal nang nakararanas ng water shortage ang lugar na nakaapekto sa suplay ng tubig, agrikultura, at kabuhayan.

Ayon pa kay Gonzales, nakararanas ng matinding tagtuyot ang buong lalawigan batay na rin sa mga datos na inilabas ng state weather bureau.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga bayan ng Daet, Santa Elena, Paracale, at Panganiban, habang nauna nang nagdeklara ng State of Calamity ang San Vicente at San Lorenzo Ruiz.

Gagamitin ng pamahalaang panlalawigan ang Quick Response Fund para sa pamamahagi ng tubig at tulong, habang pinag-aaralan din ang mga pangmatagalang pasilidad sa pag-iimbak ng tubig.