Tinatayang P199.7 milyong halaga ng ilegal na droga at high-grade marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang bodega sa Pasay City na nakadeklara bilang personal effects.
Ayon sa pahayag ng Bureau of Customs (BOC) nitong Lunes, Setyembre 14, natuklasan na kahina-hinala ang nasabing shipment na naglalaman ng 15 kahon mula Canada matapos itong dumaan sa X-ray Inspection Project (XIP) ng Bureau of Customs. Agad naman itong inisyuhan ng Alert Order para sa 100% na physical examination and verification ng nasabing kahina-hinalang shipment.
Tumambad sa awtoridad ng BOC, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang anim na kahon na naglalaman ng 28 na lata na may tinatayang 28,324 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o “shabu” na humigit-kumulang aabot sa P192.603 milyon. Kabilang din sa mga nasabat ng awtoridad ang isa pang kahon na naglalaman ng halos 4,746 gramo ng umano’y high-grade marijuana o “kush” na may halaga namang umaabot sa P7.119 milyon.
Natuklasan din sa nasabing warehouse ang 20 twalya at 20 duvet na pinaghihinalaan ding naglalaman ng liquid shabu.
Isinailalim sa laboratoryo ng PDEA ang mga nakumpiskang droga para sa eksaminasyon kung saan nakumpirmang shabu at cannabis ang mga ito.
Ipinahiwatig naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng intelligence-driven profiling, X-ray screening, at inter-agency coordination sa pagsupil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
“Hindi natin hahayaang gawing daan ang ating mga paliparan para sa pagpasok ng illegal drugs. With better technology, sharper intelligence, and strong coordination with our partner agencies, mas napapalakas natin ang ating kakayahang matukoy at mapigilan ang mga ganitong shipment bago pa makarating sa ating mga komunidad,” saad ni Nepomuceno.
Samantala, ipinanawagan na rin ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin O. Mapa na nararapat ang patuloy na paghihigpit sa inspeksyon sa mga kargamentong pumapasok sa bansa upang masugpo at mapigilan ang mga ganitong klase ng krimen.
PHOTO COURTESY: Bureau of Customs Philippines/Facebook
















