Nailipat na sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas si dating House Speaker Martin Romualdez.
Dumating ang convoy na nagdala kay Romualdez mula sa University of the Philippines (UP)-Philippine General Hospital (PGH) ng dakong 10:54 ng gabi nitong Lunes, Setyembre 14.
Dumaan sa standard commitment at booking procedure sa Quezon City Jail si Romualdez na kinabibilangan ng pagkumpiska sa mga hindi otorisadong gamit, pagkuha ng mug-shot, pagsusuri sa medical history at ang tuluyang paglalagay sa itinakdang selda.
Ang nasabing paglilipat kay Romualdez sa QC Jail ay base sa naging kautusan ng Sandiganbayan na dapat ilipat na sa QC Jail ang mambabatas matapos na makitang “clinically stable” at hindi na dapat ipagpatuloy ang pananatili sa pagamutan.
Naaresto si Romualdez nitong Setyembre 7 matapos na maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest dahil sa P7.4 bilyon plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Unang na-confine ito sa Cardinal Santos Medical Center bago nailipat sa UP-PGH nitong Sabado, Setyembre 12 para sa independent examination.
















