Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalawak ng industriya ng palm oil sa Pilipinas upang mabawasan ang halos 90 % ng pagdepende sa importasyon. Bukod sa pagkain, layunin din nitong makapaglaan ng lokal na materyales para sa mas malinis na uri ng fuel.
Sa ginanap na budget hearing sa Kamara, binigyang-diin ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na magandang oportunidad ito para sa mga magsasaka at lokal na negosyante dahil sa mataas na demand sa merkado.
Hinihiling ng DA ang paunang P300 milyong pondo para sa 2027 development budget ng palm oil, habang ipinapanukala rin ang hanggang P1 bilyong taunang alokasyon sa loob ng limang taon kapag naipasa ang nakatalagang batas para sa sektor.
Sa ilalim ng roadmap ng gobyerno, target nitong idevelop ang 300,000 ektarya ng palm oil plantations sa bansa, kung saan ang maabot ang 100,000 ektarya bago matapos ang 2028 ay maituturing nang malaking hakbang.
Upang mas mabilis na maipatupad ang mga programa, iminumungkahi ng DA ang paglalagay ng hiwalay na Deputy Administrator at dedikadong team sa Philippine Coconut Authority (PCA) na tututok sa palm oil.
Sinuportahan din ng kawani ang pagpapatibay sa panukalang Palm Oil Bill, kung saan nakatakda silang magsumite ng opisyal na rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang ideklara itong urgent bill.
















