Nananatiling hindi “medically fit to travel” si dating House Speaker Martin Romualdez bago ang nakatakdang pagdinig ngayon sa Sandiganbayan.
Batay ito sa pinakahuling medical certification na inilabas ng kanyang mga doktor sa Cardinal Santos Medical Center, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Allen Rae Co, ang mga doktor lamang ng dating opisyal ang may karapatang magbigay ng buong detalye hinggil sa kalagayan ng kanyang kalusugan, ngunit opisyal nilang kinumpirma na hindi pa ito maaring bumiyahe sa ngayon.
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ngayong araw, Setyembre 10, ang Sandiganbayan Third Division upang pagpasiyahan kung patuloy na papayagan si Romualdez na manatili sa ilalim ng hospital arrest matapos siyang hainan ng warrant of arrest kaugnay ng kasong plunder.
Ipinag-utos din ng korte na humarap sa hearing ang kanyang mga attending physician upang magbigay ng paliwanag at opisyal na ulat sa kanyang kondisyon.
Inaresto at isinailalim sa police custody si Romualdez sa loob ng kanyang silid sa ospital noong Lunes habang nagpapagaling sa pinalalagay na cardiovascular event, alta presyon, at panic attack.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ospital sakaling magbago ang lagay ng kalusugan ng dating Speaker at payagan siyang maidala nang personal sa korte.















