-- Advertisements --

Humupa na ang baha at passable na ang mga kalsada sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong Miyerkules, September 9.

Ayon sa update mula sa Manila City Public Information Office, maging ng Manila City Disaster Risk Reduction Management Department, bumaba na ang baha sa bahagi ng España Boulevard kaninang 11: 55 ng umaga.

Humupa na rin ang baha sa bahagi ng kalsada sa Osmeña Boulevard malapit sa Pedro Gil Street at RMB V. Mapa, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kanina sa 9:45 ng umaga.

Ilan pa sa mga nakaranas ng pagbaha ang bahagi ng Quezon City, kung saan umabot sa gutter deep level sa Mindanao Avenue-North Avenue intersection, maging sa Aurora Boulevard malapit sa Araneta Avenue. Sa ngayon ay passable naman sa mga sasakyan ang parehong kalsada.

Samantala, gutter-deep naman ang baha sa Roxas-Boulevard malapit sa United Nations Avenue, Kalaw Street malapit sa Maria Orosa Street, National Museum, Jas Solis Street, at España Boulevard malapit sa Antipolo Street. Nananatili namang passable ang mga nabanggit na daanan ayon sa MMDA.

Sa Caloocan City, umabot hanggang gutter deep ang baha sa bandang C3 road malapit sa NLEX Connector at sa Barangay 73 malapit sa Heroes Del 96-corner New Abbey Road. Passable na sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga daanan.

Samantala, sa Mandaluyong City naman, umabot ng 10 pulgada ang baha sa bahagi ng Boni Avenue corner F. Ortigas Street sa Barangay New Zaniga ngunit nanatili namang passable ang daanan.

Sa Marikina City, umabot hanggang gutter deep ang baha sa Marcos Highway, ngunit passable naman ang daan sa mga motorista.

Habang sa Malabon City naman, humupa na rin ang baha sa M.D Del Pilar Street, Barangay Maysilo. Gayundin sa M.H Del Pilar Street, Tatawid Barangay Santulan. Bumaba na rin ang baha sa Hulong Duhat Don Basilio Bautista Boulevard.