Natanggap na ng house prosecution panel ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kaniyang asawa na si Manases Carpio, at ng kanilang mga kumpanyang gagamitin sa article ii o unexplained wealth allegation.
Ayon kay Bicol Saro rep. Terry Ridon, susuriin ng prosecution ang mga dokumento at itatapat ang mga ito sa SALN ni Duterte at mga records ng anti-money laundering council o AMLC para malaman kung tugma ang kaniyang mga ari-arian at financial transactions sa kaniyang idineklarang kita at lehitimong pinagkukunan ng yaman.
Target ng unexplained wealth team na makapagsimula ng presentasyon ng ebidensiya sa impeachment court pagsapit ng kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Setyembre.
Kasabay nito, pinag-aaralan pa ng prosecution kung itutuloy ang Article III tungkol sa bribery at procurement irregularities o laktawan na Ito at dumiretso sa Article 2 upang mapabilis ang paglilitis.
Nauna nang nakatanggap ang impeachment court ng mga financial records mula sa AMLC, at naglabas din Ito ng mga subpoena sa mga bangko at Bureau of Internal Revenue para sa karagdagang dokumento.
















