-- Advertisements --

Isinasailalim na ng Office of the Ombudsman sa mga serye ng validation ang natanggap nitong report ng Senado ukol sa flood control scandal.

Maaalalang ngayong linggo ay kinumpirma ng Tanodbayan ang pagkatanggap nito sa naturang report na unang ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee kasunod ng mga serye ng hearing na isinagawa nito.

Ayon kay Remulla, makakatulong ang Senate report para sa mas malawak na imbestigasyon sa nabunyag na iskandalo, kasama na ang tuluyang paghahain ng kaso laban sa mga sangkot.

Magagamit din aniya ang mga ito para mapalakas ang nagpapatuloy na fact-finding investigation ng Tanodbayan.

Sa ngayon kasi ay may gumugulong na imbestigasyon ukol sa flood control kung saan tinatayang aabot sa 35 hanggang 45 investigation na ang pinangungunahan ng naturang opisina.

Ayon kay Remulla, itinaas ng Ombudsman ang standard, ngunit hindi naman ‘wine-weaponize’ ang naturang opisina.

Sa ngayon, ilang kaso na ang posiblng maihahain hanggang Setyembre 2025, mula sa mga sangkot sa mismong paggawa ng flood control project hanggang sa mga indibidwal na may conflict of interest.

Bago nito ay inihahanda rin ng Ombudsman ang ikalawang draft complaints laban sa ilang indibidwal na umano’y sangkot sa ‘conspiracy to commit plunder’

Gayunpaman, hindi pa pinapangalanan ni Remulla ang lahat ng iniimbestigahan sa ilalim nito.