-- Advertisements --

Muling inamyendahan ng House of Representatives ang legislative calendar nito sa kanilang unang regular na sesyon ngayong 20th Congress upang bigyang-daan ang bagong iskedyul ng pagpirma sa ₱6.793-trilyong General Appropriations Bill (GAB) o panukalang pambansang badyet para sa taong 2026.

Sa ginanap na morning plenary session nitong Lunes, Disyembre 22, inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos ang mosyon para sa isang linggong extension bago ang official recess ng Kamara.

Ayon kay Marcos, kailangan pa ng karagdagang panahon upang matapos ang paghahanda at ratipikasyon ng ulat ng bicameral conference committee hinggil sa GAB para sa Fiscal Year 2026.

Binigyang-diin ni Majority Leader na batay sa impormasyong natanggap nila na magsasagawa rin ng kahalintulad na hakbang ang Senado.

Iminungkahi ni Marcos na muling amyendahan ang legislative calendar, partikular ang huling sesyon ng Kamara mula sa Disyembre 22, 2025 hanggang Disyembre 29, 2025, at ang adjournment ng sesyon mula Disyembre 23, 2025 sa  Disyembre 30, 2025 na.

Layunin ng nasabing hakbang na matiyak ang maayos at napapanahong pag-apruba ng panukalang pambansang badyet bago ito tuluyang mapirmahan bilang batas.