-- Advertisements --

Pasado na sa senado ng US ang 95 billion dollar bill na layong bigyan ng tulong-pinansiyal ang Ukraine, Israel, at Taiwan. 

Dahil dito, mapupunta na sa House of Representatives ang nasabing panukala na sinasabing malabong ipasa dahil kontrolado ng Republican ang lower house.

Tumagal din kasi sa Senado ang panukalang nabanggit dahil sa mga Republican member na impluwensiya na rin ng pagtutol ni dating US President Donald Trump. 

Ilang Republican official na ang nagsabing haharangin nila ito sa House of Representatives dahil mas mainam umano na gastusin na lamang para sa border security ng US ang 61 billion dollar na tulong sa Ukraine. 

Sa isang pahayag, hinimok ni US President Joe Biden ang kongreso na bilisan ang proseso sa pagpasa ng naturang panukala. Aniya, mas magbibigay ng pangamba sa seguridad ng US kung hindi nito tutulungan ang mga bansang pinagmamalupitan ng ibang bansa para makuha ang teritoryo nito gaya ng ginagawa umano ng Russia sa Ukraine. 

Pinasalamatan naman ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy ang mga senador na bumoto para maipasa ang tulong-pinansiyal nito sa kanilang bansa. Pinuri din nito ang liderato ng America sa tulong nito para maprotektahan ang buhay ng mga tao at mapanatili ang kalayaan sa mundo.