-- Advertisements --

DAVAO CITY – Aabot sa 28 na pamilya o 94 na mga indibidwal ang lumikas, kabilang ang burol ng isang patay dahil sa matinding pagbaha dulot ng malakas na buhos ng ulan.

Kung maalala, naglabas ang DOST-PAGASA ng advisory ng Heavy Rainfall Warning No. 1 sa Davao Region dahil sa Low Pressure Area o LPA na kasalukuyang binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR.

Nabatid na kahapon ay nasa 530km silangan ng Davao City ang binabantayang LPA.

Dahil sa malakas na buhos ng ulan, halos tatlong oras na na-stranded ang mga pasahero kung saan ilang sasakyan din ang nasira dahil sa pagbaha sa mga lugar sa Downtown area sa Matina, Bangkal, at Bypass Puan.

Nakaranas din ng pagbaha ang Golden Shower Street, Brgy. Mintal, Tugbok District, Davao City; Purok 35 Maharlika, Maa Davao City; Purok 6 Mangalcal Carmen Davao del Norte gayundin ang Panabo City Davao Del Norte.

Gayunpaman, mabilis na humupa ang tubig kaya agad ding nakauwi ang mga evacuees.