-- Advertisements --

Nasawi ang 90 katao sa pagsabog ng minahan ng karbon sa northern China.

Nangyari ang gas explosion sa Liushenyu Coal Mine, na pinapatakbo ng Tongzhou Group sa Shanxi Province.

Daan-daang rescuers na ang ipanadala sa site para sa paghahanap sa mga biktima ng pagsabog.

Nasa lugar na rin ang paramedics at ambulansiya kung saan nasa mahigit 100 katao ang umano’y itinakbo sa mga pagamutan.

Base sa ulat, nasa 247 minero ang napaulat na nasa site nang mangyari ang pagsabog.

Kasunod naman ng insidente, nanawagan si Chinese President Xi Jinping na walang sayanging oras para gamutin ang mga nasugatan at hanapin ang mga survivor.

Humiling na rin ang Chinese President sa gobyerno na imbestigahan ang ugat ng aksidente at panagutin ang mga responsable.

Batay sa ulat ng state media, naka-detine na ang mga opisyal na nagpapatakbo ng naturang coal mine. Sa ngayon, hindi pa inilalabas ang dahilan ng pagsabog subalit base sa ulat ng media, lumagpas na sa limits ang lebel ng carbon monoxide, isang nakakalasong odourless gas, na natagpuan sa mina.

Ang Shanxi ay isa sa pinakamahirap na probinsiya ng China, na kilala bilang coal-mining capital ng bansa.

Pinakahuli sa naitalang trahediya bago ang insidente ngayong taon ay ang pagguho ng isang open-pit coal mine sa northern Inner Mongolia noong 2023 na kumitil ng 53 katao.