Nilinaw ng kampo ni Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez na ang 90-day preventive suspension order ng Sandiganbayan ay hindi nangangahulugang guilty ito sa kaniyang plunder case.
Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Ade Fajardo, mismong ang korte ang nagsabing ang sinasabing partisipasyon at pagtanggap umano ng kickbacks ni Romualdez ay kinakailangan pa ring patunayan sa paglilitis.
Ipinaliliwanag sa resolusyon noong Nobyembre 10 na ang pinalabas na utos ay pagtiyak lamang na sapat ang paratang sa Information at ipinapatupad ang mandatory preventive suspension ayon sa batas.
Giit pa ni Fajardo, ang isang akusasyon ay hindi pa ebidensya at ang prosecution ay may tungkuling patunayan ang kaso nang walang anumang makatwirang duda.
Ibinahagi rin ng kampo na iginagalang ni Romualdez ang desisyon ng Sandiganbayan habang pinag-aaralan ang mga legal na hakbang upang patunayan ang kaniyang kawalang-sala.














