-- Advertisements --

Walang nakikitang masama ang philippine national police anti-cybercrime group (pnp-acg) sa naging desisyon ng department of information and communication technology (dict) na palawigin pa ng hanggang 90 araw ang itinakdang deadline ng ipinapairal na sim registration sa bansa.

Ayon kay pnp-acg spokesperson plt michelle sabino, ang desisyong ito ay suportado ng naturang hanay ng kapulisan dahil sa pamamagitan aniya nito ay mas mabibigyan pa ng pagkakataon ang ating mga kababayan hindi pa rehistrado na mabigyan ng mas mahabang panahon para dito.

Bukod dito ay ipinaliwanag din niya na naniniwala ang pnp-acg na ang sim registration ay isang mabisang hakbang bilang pangontra sa mga sindikatong layuning manloko at makapanlamang sa kapwa sa pamamagitan ng text scam.

Ngunit kaugnay nito ay binigyang diin ng opisyal na sa kabila nila ay mananatiling naka-alerto ang buong pnp-acg para sa agarang pagtugon sa biktima ng anumang uri ng scam.

Kung maaalala, isa ang mababang bilang ng turn out ng mga nagpaparehistro sa ilalim ng sim registration act sa mga dahilan kung bakit kinailangan pang muling iatras ang itinakdang deadline nito nang hanggang 90 araw.