Umabot na sa siyam ang nasawi matapos tumama ang Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao kaniang umaga, ayon sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng General Santos City.
Bukod sa mga nasawi, iniulat din ng mga awtoridad na may walo pang nawawala habang 142 katao ang nasugatan.
Patuloy ang search and rescue operations at damage assessment sa iba’t ibang lugar na naapektuhan ng malakas na pagyanig.
Ayon sa ulat, ang mga nasawi ay mula sa iba’t ibang lugar: dalawa sa Calumpang (Felomina), isa sa Watergran, dalawa sa KCC, isa sa Silway, isa sa Savemore, isa sa San Jose, at isa sa Labangal Estate.
Samantala, kabilang sa mga nawawalang indibidwal ang dalawa sa Watergran, isa sa CPAVI Felomina sa Calumpang, at lima sa Insular Life Building sa Pioneer.
Naitala rin ang 142 sugatan sa iba’t ibang barangay: lima sa Calumpang, 15 sa Tambler, 18 sa Lagao, apat sa Tinagacan, 18 sa Apopong, 25 sa Baluan, 10 sa Fatima, 40 sa San Isidro, apat sa Labangal, at dalawa sa West.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto dahil posibleng magkaroon pa ng mga aftershock.
Ang mga residente ay pinapayuhang umiwas sa mga gusaling may pinsala at maghanda ng emergency kit para sa kaligtasan.
















