-- Advertisements --

Niyanig ng Magnitude 6.2 na lindol ang katimugang bahagi ng Mindanao nitong Lunes, alas-5:18 ng hapon, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Natukoy ang epicenter sa 113 kilometro timog silangan ng Governor Generoso, Davao Oriental, na may lalim na 94 kilometro.

Batay sa ulat, naramdaman ang Intensity V sa Governor Generoso, Davao Oriental at Jose Abad Santos, Davao Occidental, habang Intensity IV naman sa ilang bayan ng Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat, at General Santos City.

Naitala rin ang Intensity III sa Mati City at ilang bayan ng South Cotabato, habang Intensity II sa Davao City, Kidapawan, Cotabato, at iba pang lugar sa Sarangani at South Cotabato.

Sa instrumental readings, lumabas ang pinakamataas na Intensity IV sa Digos City, Koronadal, Tupi, at Kiamba, Sarangani.

Patuloy na pinapaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan habang nananatili ang monitoring sa mga posibleng aftershocks.