(Update) TUGUEGARAO CITY – Umabot na sa siyam na katao ang patay habang anim ang nananatili sa pagamutan matapos mahulog ang isang dump truck sa bangin sa Sitio Binongsay, Barangay Malin-awa, Tabuk City, Kalinga, kahapon.

-- Advertisement --

Una nang nakilala ang mga nasawi na sina Ghelyn Khim Gallema, Crisanta Casirayan, Rosita Mangagom, Edmund Mangagom, Jules Alvester, Gaspar Edoc, Rufina Gaano, Doming Matalang, at Ngi-iw Gaano, na pawang mga residente ng Barangay New Tanglag.

Ayon kay Fire Officer 2 Mark Francis Gabel ng Bureau of Fire Protection-Kalinga, dalawa sa mga namatay na biktima ay dead on arrival habang ang pito ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Aniya, paakyat na ang mga biktima sa daan nang hindi kayanin ng driver na si Mark John Lazaro, 20-anyos, na mag-shift gear kaya nawalan ng preno hanggang sa umatras ang sasakyan.

Tuluyang nahulog ito sa tinatayang dalawa hanggang tatlong metrong kalalim na bangin.

Nakatalon naman ang ilan sa mga sakay ng truck kung kaya’t nakaligtas ang mga ito.

Sa ngayon, nasa kustodiya na umano ng Kalinga-Philippine National Police ang driver na maswerteng nakaligtas habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.