-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakaalerto na ang mga ospital sa Bicol Region sa posibilidad ng pagdami ng mga pasyente na nasusugatan dahil sa paputok.

Katunayan sa datos ng Department of Health (DOH)-Bicol, mayroon nang dalawang naitalang nasugatan dahil sa ipinagbabawal na paputok.

Ayon kay DOH-Bicol Violence and Injury Prevention Program Coordinator Sam Banico sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasugatan ang kanang kamay ng isang 41-anyos na lalaki mula sa Camarines Norte matapos magpaputok ng five star noong Disyembre 21.

Nasundan pa ito kahapon matapos magtamo ng injury mula sa paputok ang isang 14-anyos na babae mula naman sa Ligao, Albay.

Kaugnay nito ay nanawagan si Banico sa publiko na iwasan na ang paputok at makibahagi na lamang sa mga community firework displays upang matiwasay na maipagdiwang ang yuletide season.

Sa ngayon ay dalawang araw na lamang bago ang Pasko at nalalapit na rin ang pagsalubong sa Bagong Taon.