DAGUPAN CITY — 85% o katumbas ng 148 na mga opisyal ng kapulisan ng Dagupan City, habang mayroon namang 168 force multiplier na kinabibilangan ng iba’t ibang mga civic organizations, ang idineploy sa 7 mga sementeryo sa paggunita ng UNDAS 2022 sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Vicente Castor Jr., ang siyang tumatayong Officer-in-Charge ng Dagupan City Police Station, binigyang-diin nito na maigting nilang tinutukan ang pagkakaroon ng maayosna sistema sa mga sementeryong dinagsa ng mga bumisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong araw.
Dagdag nito na maaga silang nagtalaga ng mga opisyal sa iba’t ibang mga sementeryo sa lungsod upang tutukan nila ang maayos at tahimik an pagdiriwang ng UNDAS 2022.
Kaugnay nito ay pinuri naman ng kapulisan ang pagiging disiplinado ng mga Dagupeño at iba pang mga bumisita dahil wala pa umano silang mga nakukumpiska o nakukuhang mga report ng paglabag sa mga ipinagbabawal na mga aktibidad at kagamitan sa loob ng mga sementeryo.
Gayunpaman ay mahigpit pa rin silang nagsasagawa ng inspeksyon sa mga gamit o bitbit ng mga dumadagsang mga bisita na pumapasok at lumalabas ng mga sementeryo.
Maliban dito, sinabi rin ni Castor na dahil magkaka-iba ang mga schedule ng mga sementeryo sa lungsod, ay ide-deploy naman nila ang kanilang mga tauhan sa mga sementeryong aabuting nakabukas hanggang gabi.
Sa ngayon ay pinakamarami naman silang naitalang mga dumagsa sa Roman Catholic Cemetery upang bumisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Pinapaalalahanan naman ng mga kapulisan na dapat ay maging maingat at mapagbantay ang mga bumibisita sa mga sementeryo at dapat ay physically fit ang mga ito sa pagbisita sa kanilang mga mahal sa buhay, at hanggat maaari ay maiwan na lamang ang mga elderly at mga bata sa bahay nang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.