Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibdiwal na sugatan sa pagtama ng magnitude 6.4 na lindol sa Abra at iba pang lugar sa northern Luzon.
Base sa latest tally ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 85 katao na naitalang sugatan kung saan 84 dito ang kumpirmado, 72 mula sa Cordillera Administrative Region habang ang iba ay mula sa Ilocos region at may isang kasalukuyang bina-validate pa.
Sa kabutihang palad naman, walang naitalang nasawi at nawawala dahil sa lindol.
Iniulat din ng NDRRMC, na nasa 44,447 pamilya o 147,378 indibidwal sa Ilocos at Cagayan Valley regions at CAR kung saan nasa 20 pamilya pa o 68 indibidwal ang nasa mga evacuation centers.
Nakapagtala din ng mahigit 4,000 kabahayan ang bahagyang napinsala habang nasa 14 na bahay naman ang nawasak.
Umaabot na sa P81,980,750 ang tinatayang pinsala sa sektor ng imprastruktura kung saan ang CAR ang pinakamatinding nagtamo ng mga pinsala, sinundan ng Ilocos region at Cagayan Valley.
Tuluy-tuloy naman ang pamamahagi ng gobyerno ng assistance sa mga apektadong rehiyon gaya ng financial aid at family food packs.