Nanindigan si Senate Pres. Tito Sotto sa panukala nitong magtatayo ng bagong tanggapan na mangangasiwa kontra iligal na droga.
Sa dinaluhang “Talakayan sa Manila Hotel” iginiit ni Sotto na masasagot ng panukalang Presidential Drug Enforcement Authority (PRDEA) ang kulang na koordinasyon ng kasalukuyang anti-illegal drug bodies na Dangerous Drugs Board (DDB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ipinaliwanag ng mambabatas na sapat ang nilalamang mga probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, pero bigo umano ang pangunahing implementing agencies nito sa pagpapatupad ng batas.
Nabatid ni Sotto na hindi sinusunod ng PDEA batas, kung saan dapat magkatuwang sila ng DDB sa anti-illegal drug operations at pagpapakulong sa mga may-sala.
Batay sa datos na hawak ng senador mula sa nakalipas na taon, nasa pagitan ng 80 hanggang 85-percent ng drug cases ang nababasura.
Naniniwala si Sotto na hindi mawawala ang iligal na droga sa Pilipinas hangga’t may demand sa supply nito, gayundin ang kawalan ng tamang edukasyon sa mga kabataan at magulang.
Sa ilalim ng panukalang batas ng senador, magkakaroon ng iba’t-ibang sangay sa loob ng PRDEA na tututok sa rehabilitasyon, prosekusyon, implementasyon at enforcement ng batas sa mga mahuhuling drug suspect.