Dalawang rebolusyonaryong programa na inisyatiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang dinala sa Leyte at namahagi ng tig-P5,000 halaga ng financial assistance at bigas sa 8,000 kuwalipikadong benepisyaryo.
Pinangunahan ni Speaker Romualdez, ang kinatawan ng Leyte, ang distribusyon ng tulong mula sa Cash and Rice Distribution (CARD) Program at Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth) Program sa magkahiwalay na event sa Leyte.
Ang pamimigay ng tulong mula CARD at ISIP Program ay kalimitang isinasabay sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) kung saan milyun-milyong ayuda ang ipinamimigay.
“Pero ang dalawang programang ito ay mahalaga para sa amin sa Kongreso, kasi direktang tulong ito sa sektor ng mga qualified na mag-aaral, senior citizens, PWDs, indigenous peoples, single parents at marami pang iba,” paliwanag ni Romualdez.
Para sa CARD program, kabuuang 5,000 kuwalipikadong benepisyaryo mula sa Leyte ang nakatanggap ng tig-P5,000 financial aid sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD.
Nakatanggap din ang mga ito ng tig-P20 kilo ng bigas sa simpleng seremonya na na isinagawa sa Tacloban Astrodome sa Tacloban City.
Ang CARD ay isang rebolusyunaryong programa na inisyatiba ni Speaker Romualdez upang matulungan ang mga bulnerableng sektor gaya ng mga mahihirap na senior citizen, PWD, single parents, indigenous peoples at iba pa.
Ang ISIP for the Youth Program ay inisyatiba rin ni Speaker Romualdez para matulungan ang mga karapat-dapat na estudyante sa kolehiyo, technical at vocational level sa kanilang mga gastusin sa pag-aaral.
May kabuuang 3,000 kuwalipikadong benepisyaryo sa Leyte na nakatanggap ng tig-P5,000 cash aid mula rin sa AICS ng DSWD at limang kilong bigas sa event na ginanap sa Alba Hall ng Leyte Normal University.
May mga pili ring estudyante na ipapasok sa Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED). Ang mga estudyanteng ito ay makatatanggap ng tig-P15,000 tulong kada semestre.
Sila ay bibigyan din ng prayoridad sa Government Internship Program (GIP) para agad silang makapasok sa trabaho kapag sila ay nakatapos na ng pag-aaral. Kung wala namang trabaho ang kanilang magulang o guardian, ipapasok ang mga ito sa DOLE-TUPAD Program.